
CAUAYAN CITY – Abala na ang Police Regional Office 2 (PRO2) sa pagbibigay ng seguridad sa mga Election Paraphernalia at Vote Counting Machine na inihahatid sa iba’t ibang polling precinct sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Efren Fernandez, tagapagsalita ng PRO2, sinabi niya na noon pang nakaraang linggo ng simulan nila ang pagbibigay ng seguridad.
Sa May 4 ay may ceremonial send off para sa unit ng PRO2 na maitatalagang karagdagang pwersa para matiyak ang kaayusan sa araw ng halalan.
Papayagan ding makauwi at mag-augment ang mga PNP personnel na nakatalaga sa ibang unit subalit residente o nakatira sa Region 2 upang makaboto sa kanilang polling precinct.
Magsisilbi rin ang mga Regional Mobile Force Battalion bilang Regional Special Operation Task Group maliban pa sa mga RMFB’s na nakatalaga sa bawat border ng rehiyon.
Tututukan ng PRO2 ang pagbibigay ng seguridad sa mga polling precint pangunahin na sa mga lugar na naitala bilang Areas of Concern alinsunod na rin sa kautusang ibinaba ng COMELEC.
Hinikayat ng PRO2 ang mga botante na huwag mag-atubiling idulog sa kanila ang anumang iregularidad na kanilang masasaksihan sa araw ng halalan upang agad na maaksyunan.










