Naaresto ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang dalawang high-value individual (HVI) sa isang anti-illegal drug buy-bust operation noong hapon ng Disyembre 17 sa Purok Bagong Buhay, Barangay Batal, Santiago City.
Nasamsam sa operasyon ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 56.2 gramo, tinatayang nagkakahalaga ng P 381,602.00, kasama ang buy-bust money, isang cellphone, at isang bag. Ang mga suspek ay sina alyas “Apple”, 36, mula Alicia, Isabela, at alyas “LanLan”, 49, isang magsasaka mula Angadanan, Isabela. Sila ay nahaharap sa kaso ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PBGEN Antonio P. Marallag, Jr., Regional Director ng PRO2, ang operasyon ay patunay ng determinasyon ng kapulisan na labanan ang ilegal na droga sa rehiyon. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang inihahanda ang mga kaso laban sa kanila.
Pinapanawagan ng PRO2 sa publiko ang patuloy na pakikipagtulungan sa kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan sa Cagayan Valley.











