--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaabot ng pakikiramay ang Police Regional Office 2 (PRO 2) sa pamilya ng siyam na Agtang nasawi sa malagim na aksidente sa Lal-lo Cagayan at tiniyak na magiging patas sa pagsisiyasat sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide laban sa isang reservist ng 17th Infantry Batallion, Philippine Army na nagmaneho sa van na sangkot sa aksidente.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Col. Efren Fernandez, Information Officer ng PRO 2, sinabi niya na pinuntahan na ng mga imbestigador ng Lal-lo Police station ang tsuper na nasa ospital upang makunan ng kaniyang pahayag at masimulan ang masusing imbestigasyon.

Nagpaalala si PLt. Col. Fernandez sa mga motoristang madalas mag biyahe sa mga pambansang Lansangan na tiyaking na-check ang BLOW-BAGETS o brakes, lights, oil, water, batteries, air, gas, engine, tires, self upang maiwasan ang aksidente.

Pinayuhan niya ang mga motorista na kung inaantok ay huwag piliting magmaneho kundi pumarada sa ligtas na lugar at umidlip muna.

--Ads--

Matatandaang 9 ang nasawi kabilang ang dalawang menor de edad habang dalawa ang nasugatan matapos banggain ng isang pribadong van bago sumalpok sa dalawang bahay sa San Lorenzo, Lal-lo, Cagayan noong gabi ng Sabado, February 5, 2022.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Lal-lo Police Station na galing sa lamay at nakatambay sa gilid ng daan ang mga biktima nang salpukin sila ng van na nawalan ng kontrol.

Ang van ay minaneho ni Dan Vincent Domingo, reservist ng AFP at residente ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga.

Lumabas sa sa imbestigasyon na mabilis ang patakbo ng suspek sa pakurbadang bahagi ng daan nang araruhin ang mga biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nagkalasog-lasog ang katawan ng mga biktima habang nawasak ang sasakyan.

Galing sa kampo ng 17th Infantry Batallion sa may Bangag, Lal-lo ang suspek at papuntang Apayao, kasama ang isa pang reservist ng AFP na si Allan Jay Parungao, 29 anyos, residente ng Dagupan Centro, Tabuk City, Kalinga na kapwa nilalapatan ng lunas sa ospital dahil sa mga tinamong sugat sa katawan.