
CAUAYAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Isabela State University (ISU) na ginagawa ang lahat para maayos ang problema ng 27 engineering students na walang grade mula sa isang propesor sa College of Engineering.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Ricmar Aquino, presidente ng ISU System na ang reklamo ng mga graduating engineering students ay tinalakay sa University Academic Council Meeting kasama ang mga dean at mga senior faculty member.
Napag-usapan nila na bigyan ng konsiderasyon ang mga estudyante.
Bumuo rin sila ng committee na pamumunuan ng dean ng College of Engineering para alamin ang pangyayari para makagawa sila ng action.
Kung kailangan na mag-submit requirement ang mga estudyante na walang grade ay kailangan na bigyan sila ng kaluwagan dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dr. Aquino, napagkasunduan din sa University Adacemic Council Meeting na isama ang mga nagrereklamong estudyante sa listahan ng mga magtatapos ngunit binigyan sila ng hanggang July 15, 2020 para tapusin kung anuman ang hindi nila naibigay na requirements kaya hindi sila binigyan ng grades ng kanilang propesor.
Binigyan din ng pagkakataon ang propesor na magpaliwanag at magbibigay ng rekomendasyon ang committee hinggil sa kinalabasan ang pagsisiyasat.
Samantala, inihayag ni Dr. Ricmar Aquino na itinakda sa September 7, 2020 ang pagsisimula ng klase sa ISU System.
Sa lumang school calendar ay Agosto sana ang pagsisimula ng klase ngunit ginawa itong September 7 para makapaghanda sila nang mabuti.
May mga inilatag nang guidelines at pagdating ng nasabing petsa ay handang-handa na ang unibersidad para sa susunod na school year.










