CAUAYAN CITY- Gumagawa na ng solusyon ang LGU Reina Mercedes at Reina Mercedes Water District upang tugunan ang problema sa suplay ng tubig na nararanasan sa naturang bayan.
Ito ay matapos makarating sa Sangguniang Bayan ang mga hinaing ng mga residente tungkol sa marumi at minsan ay nawawalang suplay ng tubig.
Ayon kay Vice Mayor ng Reina Mercedes, maraming residente ang personal na nagdadala ng kanilang reklamo sa kaniyang opisina. Kadalasan aniya, ang reklamo ay dahil sa maruming tubig na lumalabas sa gripo o kaya’y kawalan ng suplay.
Ibinahagi ng Bise Alkalde na nakausap na ng konseho ang pamunuan ng water district, at nangako itong handang makipagtulungan sa lokal na pamahalaan.
Isa sa mga napag-usapan ay ang pagsasaayos ng ikatlong pumping station na kasalukuyang hindi gumagana. Sa ngayon, dalawang pumping station lamang ang operational sa nasabing bayan, na siya ring nakikitang dahilan ng problema sa suplay ng tubig.
Sakaling mapagana na muli ang ikatlong pumping station, inaasahang masosolusyunan ang kasalukuyang problema.
Hindi rin binalewala ng Bise Alkalde ang pangamba ng ilang residente na baka ipasa sa kanila ang gastos sa pagkukumpuni sa pamamagitan ng pagtataas ng singil sa tubig.
Aniya, makatuwiran ang ganitong pangamba, subalit sa ngayon ay mas mahalagang unahin ang pagtugon sa suliranin. Pag-aaralan at titingnan na lamang umano kung makatarungan ang posibleng pagtaas ng singil sa tubig sakaling matapos ang proyekto.







