Inilahad sa isang mobile session ang matagal nang problema sa mga nagtumbahang poste at nakalaylay na kable ng koryente sa ilang barangay ng Cauayan City, na umano’y tatlong taon nang hindi pa rin tuluyang naaaksyunan, sa kabila ng patuloy na banta nito sa kaligtasan ng mga residente.
Kabilang sa mga unang tinalakay sa sesyon ang sitwasyon sa Barangay Nagrumbuan. Ayon sa mga opisyal ng barangay, may mga poste na matagal nang nakatagilid at halos bumagsak, habang ang ilang kable ay nakalaylay sa mababang antas na maaaring masagi ng mga sasakyan at dumaraang tao. Ipinunto nila na mas nagiging mapanganib ang sitwasyon tuwing umuulan at may malakas na hangin dahil sa posibilidad ng aksidente at pagkakakuryente.
Ayon sa barangay, matagal nang naipararating ang problema sa kinauukulan ngunit nananatili pa rin hanggang ngayon. Iginiit ng mga opisyal na dapat unahin ang mga kasong matagal nang iniinda at may malinaw na panganib sa komunidad.
Sa panig ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO), ipinaliwanag ng kinatawan nito sa sesyon na may nakahanda nang plano para sa pag-aayos ng mga problemadong poste at linya ng koryente sa iba’t ibang barangay, kabilang ang mga naiulat sa sesyon. Gayunman, sinabi rin na ang aktuwal na pagkukumpuni ay nakadepende sa maayos na iskedyul ng power interruption at sa paglalabas ng abiso sa publiko, partikular sa pamamagitan ng social media.
Dagdag pa ng ISELCO, marami umano silang kasalukuyang inaasikasong maintenance at repair work sa iba’t ibang barangay sa kanilang nasasakupan, kaya’t isinasailalim sa prioritization ang mga reklamo batay sa antas ng panganib at lawak ng apektadong lugar.
Kasunod nito, tinalakay rin sa sesyon ang sitwasyon sa Barangay Pinoma. Ayon kay Barangay Captain Romeo Gallema, partikular na apektado ang Purok 6 at Purok 7 dahil sa mabababang linya ng koryente na patuloy na nagdudulot ng pangamba sa mga residente.
Sa Purok 7, iniulat na may live wire na mababa ang pagkakalagay na nagiging hadlang sa pagpasok ng grader para sa mga proyektong pangkalsada, matapos masira ang linya nang may punong natumba at tumama sa kable.
Sa Purok 6, sinabi ng kapitan na halos dalawang dangkal na lamang ang layo ng kable mula sa mga bahay at bubong, dahilan ng takot ng mga residente lalo na kapag umuulan.
Bagama’t may mungkahing pansamantalang balutan ng plastic ang ilang linya, iginiit ng barangay na hindi ito sapat upang matiyak ang kaligtasan ng komunidad. Binanggit din na may mga poste sa lugar na dati nang hindi maayos ang pagkakatayo ngunit naipagawa na ng barangay.
Tiniyak naman ng ISELCO na kabilang na sa kanilang plano ang Barangay Pinoma at iba pang apektadong lugar, at naka-line up na ang ilang poste para sa pagkukumpuni. Sa ngayon, hinihintay na lamang umano ang tamang iskedyul ng power interruption upang maisagawa ang mga kinakailangang trabaho.
Sa kabila ng mga paliwanag, nananatiling umaasa ang mga barangay na magkakaroon ng malinaw na timeline at agarang aksyon upang tuluyang maresolba ang problemang matagal nang naglalagay sa panganib sa kanilang mga residente.











