Personal na dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang residente ng Purok 3, Brgy. Amobocan, Cauayan City matapos umanong pagbawalan silang dumaan sa itinalagang right of way sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Olimer Bullungan, ang nagrereklamo, inilahad niyang ipinaglalaban lamang niya ang karapatan nilang makadaan sa eskinita na nakasaad sa sketch ng lupa bilang daan patungo sa kanilang mga bahay.
Ayon kay Bullungan, umaabot na sa 30 taon ang kanilang kinakaharap na problema na hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulutas, kahit ng mga opisyal ng barangay.
Tinatayang may 15 metro sa harap at 100 metro sa likod ng kanilang bahay ang itinakdang daanan, ngunit aniya, may ilang residente na tumututol sa paggamit nito.
Dalawang beses na rin umano silang inilipat noong 2019 at 2020, at sa parehong pagkakataon ay napatunayan nilang may itinalagang daanan sa lugar.
Bagama’t nakipag-ugnayan na rin sila sa kanilang mga kapitbahay at barangay officials, nananatiling hindi natutugunan ang kanilang hinaing, dahilan upang hindi makapasok ang malalaking sasakyan sa kanilang bakuran.
Samantala, ang nasabing isyu sa lupa o right of way ay nagdulot na rin ng matinding alitan sa pagitan ng magkakamag-anak.
Sa panig naman ni Dionito Dela Cruz Jr., isa sa mga kapitbahay, sinabi niyang ilang beses na nilang tinalakay ang isyu sa Municipal Agrarian Reform Office (MARO), kung saan lumabas umano na mali ang sukat ng daan sa sketch. Aniya, kung susundin ang nakasaad, maraming kabahayan ang matatamaan maging ang mismong bahay ni Bullungan.
Nilinaw rin niya na hindi nila ipinagbabawal ang pagdaan sa dalawang metrong lapad na daanan, dahil kaya pa naman daw itong daanan ng motorsiklo at tricycle. Dagdag pa niya, wala silang nilagyan ng harang o isinara na daanan, taliwas sa alegasyon ng kanilang kapitbahay dahil siya mismo ang naglagay ng bakod sa kanyang lote.
Anila, ito ay eskinita lamang kaya nasa tatlo hanggang apat na metro lamang ang lapad ng daanan.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, wala silang pinapanigan sa usapin at naniniwala silang hindi sana dapat lumala ang problema kung ito ay naresolba nang maaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Captain Federica Duad, sinabi niyang bago pa man siya maluklok sa puwesto ay matagal nang nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga magkakamag-anak dahil sa nasabing daanan.
Dagdag niya, hindi rin sila naabisuhan o naimbitahan noong panahon ng relokasyon ni Ginoong Bullungan kaya hindi nila nasaksihan ang tamang sukat at delimitasyon ng lupa.
Payo ni Kapitan Duad, magkasundo na lamang ang magkakapamilya upang tuluyang maresolba ang isyu, ngunit tila patuloy pa rin ang alitan.
Sa ngayon, muling susubukan ng barangay na magsagawa ng panibagong survey sa tulong ng nagrereklamo at ng mga kapitbahay upang matukoy ang tunay na right of way. Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, daanan lamang ng tao ang orihinal na nakalaan sa lugar.











