--Ads--

Isinagawa ng City Population Development Office ng Santiago City ang programang KALINGA o Komprehensibong Aksiyon para sa Likas na Ina at Gabay ng Pamilya bilang bahagi ng pagdiriwang ng Women’s Month 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jovan Vitales ng nasabing tanggapan, sinabi nito na layunin ng aktibidad na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga kababaihan, partikular ang mga kabataang ina, hinggil sa tamang pagpaplano ng pamilya at pangangalaga sa kanilang kalusugan.

Target ng programa ang humigit-kumulang 50 kabataang ina na papasok o nagsisimula pa lamang sa pagbuo ng kanilang pamilya, upang maihanda sila sa mga responsibilidad at magkaroon ng sapat na kaalaman sa family planning.

Binigyang-diin ni Vitales na mahalaga ang ganitong inisyatibo, lalo na para sa mga kabataang nangangailangan ng gabay at tamang impormasyon ukol sa reproductive health at maagang pagbubuntis.

--Ads--

Kaugnay nito, hinikayat ng City Population Development Office ang mga kabataan na maging responsable at maging mulat sa kanilang kalusugan at sa mga desisyong may kinalaman sa kanilang kinabukasan, lalo na sa usapin ng pagpapamilya.