--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng pagdinig ang Sangguniang Panlalawigan ng Isabela kaugnay sa hindi pa nababayaran ng Philhealth sa mga pagamutan sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP Member Dr. Emmanuel Joselito Añes, ang Chairman ng Committee on Health, sinabi niya na maraming mamamayan ang nagpapatulong sa pamahalaang panlalawigan maging sa kanilang mga SP Members dahil kulang ang pambayad sa mga ospital at ang iba ay hindi nababayaran ng philhealth.

Marami sa mga pasyente ang napilitang bayaran na lamang ang kanilang bill dahil hindi pa tinanggap ng Philhealth ang kanilang claim.

Dahil dito ay nagkasundo ang Sanguniang panlalawigan at provincial board na magkaroon ng legislative inquiry at pinatawag ang pamunuan ng Philhealth sa Rehiyon at sa probinsya maging ang ibat ibang director ng Philheath sa tatlong lunsod kung saan makikita ang malalaking ospital.

--Ads--

Inimbitahan din ang mga direktor ng mga malalaking ospital sa lalawigan at ang iba ay nakadalo sa Amphitheater ng Kapitolyo habang ang iba ay dumalo na lamang sa virtual o sa online.

Ipinaliwanag ng Philhealth na ang mga claims na hindi nakuha ng mga pasyenteng may covid 19 ay maaari pa rin nilang ibigay ngayon.

Iginiit nilang may mga kahilingan sila sa Philhealth Central Office na hindi agad natutugunan kaya ang ilan sa kanilang mga programa ay hindi naipapatupad ng maayos.

Dahil dito ay gagawa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan upang mas mapabuti ang mga polisiya na kailangan at upang mas mapansin din ng mga pinuno ng Philhealth sa National ang mga hinaing ng mga local officials.

Ayon sa naging presentasyon ng mga pinuno ng ospital ay maraming mga hindi nabayarang claims ng mga pasyente ang Philhealth mula nang magsimula ang pandemya.

Iginiit naman ng Philhealth na marami sa mga pasyente ang wala o kulang sa mga dokumento kaya hindi nababayaran ng ahensya ngunit kanilang ipinangako na ito ay kanilang susuriin upang mabigyan pa rin ng tulong ang mga pasyente.

Ang bahagi ng pahayag ni SP Member Dr. Emmanuel Joselito Añes.