
CAUAYAN CITY – Nagpulong ang Provincial Comelec Campaign Committee na dinaluhan ng pulisya at tinalakay ang COMELEC Resolution number 10732 na naglalaman ng mga alituntunin para sa pagsasagawa ng personal na pangangampanya, rally, political meeting o convention, motorcade, at caravan, “miting de avance” para sa 2022 elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCol. Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office na tuloy tuloy ang kanilang paghahanda sa 2022 National and Local Elections sa buwan ng Mayo.
Sinabi ni Col. Go na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Provincial Comelec Supervisor, DILG DOH at AFP.
Aniya, katatapos lamang ng kanilang pagpupulong ng Provincial Comelec Campaign Committee at tinalakay ang COMELEC Resolution number 10732 na naglalaman ng mga alituntunin para sa pagsasagawa ng personal na pangangampanya, rally, political meeting o convention, motorcade, at caravan, “miting de avance” para sa 2022 elections.
Pangunahing tungkulin ng PNP sa magaganap na halalan ay tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga botante sa halalan.
Sinabi pa ng Provincial Director na titiyakin nila ang kaligtasan ng bawat isa at maipatupad ang mga health protocols na ibinaba kaugnay sa pangangampanya ng mga kandidato.
Pangunahin na rin ang pagbabawal sa pakikipagkamay o closed contact ng mga kandidato sa mga botante upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
Kapag may nakitang paglabag ng mga kandidato ay ipapaalam ng PNP sa tanggapan ng COMELEC.
Samantala, nag-ikot na rin anya ang provincial director sa mga himpilan ng pulisya upang paalalahanan ang mga pulis sa Isabela na manatiling apolitical.
Inilipat na rin ng assignment ang mga pulis na may mga kaanak na kumakandidato.










