--Ads--

CAUAYAN CITY- Planong bumuo ng asosasyon ng mga Mango Growers ang Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela upang mabigyan ng mga ito ng suporta sa kabila ng problema na kanilang kinakaharap sa labis na supply ng mangga sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodito Albano III, sinabi niya na dapat mayroong processing center ang lalawigan kung saan pwedeng i-preserve at i-process ang mga mangga upang hindi masayang.

Aniya pupulungin niya ang mga mango growers sa Isabela upang mabigyan ng puhunan at upang mapag-aralan ng maigi kung paano tutugunan ang problema sa supply ng mangga.

Plano naman ng Gobernador na maglaan ng pondo na 30 milyon pesos upang may magamit sa pagbili ng mga makinarya na pwedeng gamitin sa pag-process ng mangga gaya ng Mango Juice .

--Ads--

Magpapadala din aniya siya ng tao sa Guimaras at Cebu upang pag-aralan kung paano ang tamang pag-aalaga ng mangga na maaari ding i-adapt ng mga Mango Growers sa Isabela.

Naaawa umano ang Gobernador sa mga mango growers na nagtatapon at nagpapahingi na lamang ng mga kanilang mga inaning mangga dahil sa stop buying dulot ng oversupply.

Kaya’t tiniyak niya sa mga ito na pag-aaralan nilang maigi kung paano i-aangat ang industriya ng mangga sa lalawigan at maghahanap din aniya siya ng mga investors na makatutulong upang masolusyunan ang problema ng mga mango growers sa lalawigan.

Matatandaan na ilang mga manggo growers ang nagtapon at namigay ng mga inaning mangga matapos ang naitalang stop buying sa mga karating na lugar dahil sa labis suplay.