Muling ikinokonsidera ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at mga miyembro ng konseho ng Isabela ang deklarasyon ng State of Calamity dahil sa matinding epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga nagtatanim ng mais.
Ito ay matapos magsagawa ng emergency meeting ang Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka sa lalawigan.
Ayon kay PDRRMO Officer Constante Foronda Jr., bagama’t nagkaroon na ng deklarasyon ng State of Calamity dalawang taon na ang nakalipas, kinakailangan umanong muling pag-usapan ang naturang hakbang dahil sa nararanasang matinding tagtuyot na labis na nakaaapekto sa mga corn farmer.
Isinagawa ang naturang pagpupulong upang masuri ang kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka at matukoy kung anong mga hakbang ang maaaring gawin ng pamahalaang panlalawigan upang matulungan sila.
Dagdag pa ni Foronda, kung sakaling ideklara ang State of Calamity ay maaari nang gamitin ng pamahalaan ang Quick Response Fund upang agad na makapagbigay ng tulong sa mga magsasakang naapektuhan. Gayunman, kinakailangan muna umanong magkaroon ng opisyal na deklarasyon bago ito magamit.
Batay sa datos na inilatag sa pulong, tinatayang 40.79 porsyento ng standing corn crops sa lalawigan ang maaaring maapektuhan kung magpapatuloy ang dalawang linggo na walang ulan.
Sa tala ng Provincial Agriculture Office, nasa 28,979.61 ektarya ng taniman ng mais ang nasa vegetative stage, kung saan tinatayang 50 porsyento o katumbas ng 14,489.80 ektarya ang maaaring maapektuhan ng tagtuyot.
Samantala, nasa 43,723.34 ektarya naman ang nasa reproductive stage, kung saan posibleng umabot sa 80 porsyento o humigit-kumulang 34,978.67 ektarya ang maaaring masira.
Sa kabuuan, aabot sa 49,468.47 ektarya ng taniman ng mais sa lalawigan ang maaaring maapektuhan kung magpapatuloy ang kakulangan sa ulan.
Ipinaliwanag naman ni Provincial Agriculturist Serio Galamgam na bagama’t may mga nararanasan nang pag-ulan sa ilang lugar, hindi na ito sapat upang mailigtas ang karamihan sa mga pananim na mais.
Ayon sa kanya, karamihan sa mga tanim na mais ay nasa vegetative at reproductive stage na ng paglago. Sa mga yugtong ito, mahalaga ang tuloy-tuloy at sapat na suplay ng tubig upang maayos na makabuo ng bunga at butil ang pananim.
Kapag kulang sa tubig sa panahong ito, maaaring hindi mabuo nang maayos ang bunga ng mais, maging maliit o kulang ang laman ng butil, o tuluyang matuyo ang mga pananim.
Dahil dito, kahit magkaroon ng pag-ulan sa kasalukuyan ay limitado na lamang ang maitutulong nito sa mga pananim na naapektuhan na ng matinding init at kakulangan sa tubig.
Batay naman sa datos ng Provincial Agriculture Office para sa Dry Crop Season 2025–2026, tinatayang 95,687.57 ektarya ang kabuuang naitanim na mais sa lalawigan. Sa bilang na ito, 29,520.21 ektarya na ang naapektuhan ng tagtuyot na kinasasangkutan ng humigit-kumulang 25,552 magsasaka.
Kabilang sa mga pinakaapektadong lugar ang Cauayan City, Cordon, Naguilian, Quezon, Roxas, Sto. Tomas, San Pablo at Cabagan, kung saan mataas ang porsyento ng nasirang pananim kumpara sa kabuuang lawak ng kanilang mga taniman.
Dahil dito, nagkasundo ang bawat miyembro ng konseho na magpasa ng resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan upang opisyal na ideklara ang State of Calamity sa buong lalawigan ng Isabela.











