CAUAYAN CITY – Inihayag ng Isabela Provincial Veterinary Office na kailangang mag-ingat sa sakit na Q Fever matapos makapagtala ng kaso sa bansa.
Ang naturang sakit, na pangunahing nakakaapekto sa mga baka, tupa at kambing, ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng paglanghap ng kontaminadong alikabok.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Belina Barbosa ng Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na kailangang umiwas ang publiko sa mga hayop na hinihinalang may Q Fever.
Ito ay kasunod na rin ng kumpirmasyon ng Department of Agriculture (DA) na naitala na ang kauna-unahang kaso ng Q Fever bacteria Coxiella burnetti sa bansa, na matatagpuan sa mga imported na kambing.
Tiniyak naman niya na sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng masusing assessment sa mga panganib na hatid ng Q Fever sa kalusugan ng tao.
Ito ay karaniwang mild na zoonotic disease na matatagpuan sa mga hayop na maaaring ihawa o isalin sa mga tao, partikular na ang mga magsasaka at mga animal handlers na madalas na may kontak sa mga infected na hayop.
Paglilinaw naman niya na ang human-to-human transmission ng sakit ay ‘rare’ lamang.
Nabatid na ang sintomas ng naturang sakit sa tao ay karaniwang nakikita sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo matapos ang exposure o pagkalantad dito at karaniwang non-specific at mild lamang ito.
Kabilang umano sa mga naturang sintomas ng sakit ay lagnat, fatigue, pananakit ng ulo at ubo.
Tiniyak naman aniya ng DOH na maaaring gamutin ang Q Fever ng antibiotics na available sa Pilipinas.