Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Linggo ng updated Fare Guide para sa mga provincial public utility buses (PUBs), matapos aprubahan ang provisional fare increases na epektibo simula Marso 14, 2026.
May dagdag singil sa pamasahe ang mga Air-conditioned, Super Deluxe, at Deluxe Provincial Buses na ₱0.35 kada kilometro
Luxury Buses na may dagdag na ₱0.45 kada kilometro at Ordinary Provincial Buses may dagdag na piso na base fare at karagdagan pang ₱0.30 kada succeeding kilometers.
Ayon sa LTFRB, ang mga pagbabago ay nakapaloob na sa opisyal na Fare Guide upang matiyak ang uniform implementation sa lahat ng operator at ruta ng provincial buses.
Lahat ng bus operators ay inatasang mahigpit na sundin ang updated Fare Guide at ipaskil ang tamang pamasahe sa loob ng kanilang mga unit.
Pinapayuhan ang mga pasahero na beripikahin ang tamang pamasahe at i-report sa LTFRB ang anumang overcharging o paglabag.
Ang fare adjustment ay kasabay ng patuloy na pagtaas at pag-iba-iba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Nagsimula ang sigalot noong huling bahagi ng Pebrero matapos magsagawa ng air strikes ang U.S. at Israel laban sa Iran, na iniulat na ikinasawi ni Iranian Supreme Leader Ali Khamenei.
Bilang tugon, naglunsad ang Iran ng drone attacks sa mga U.S. bases sa Gulf countries at sinubukang harangan ang Strait of Hormuz, isang mahalagang chokepoint kung saan dumadaan ang halos ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa mundo.











