--Ads--

CAUAYAN CITY- Sang-ayon si Vice Governor Tonypet Albano sa localized peace talks sa mga CPP-NPA.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Vice Gov. Albano na kung pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte sa localized peace talks ay maghahanda sila para makamit ang pangmatagalagang pangkapayapaan sa Isabela.

Kapag magtatagumpay aniya ang pag-uusap pangkapayapaan sa lokal na antas ay wala nang extortion, kidnapping, campaign fee na hinihingi ng mga rebeldeng komunista lalo na at malapit na ang midterm elections.

Nagagamit din aniya ang NDFP sa mga illegal na aktibidad lalo na sa pangingikil ng mga nagpapanggap na NPA na humihingi ng revolutionary tax.

--Ads--

Binigyang-diin ni Vice Gov. Albano na kung magkakaroon ng kapayapaan sa lalawigan ay lalong gaganda ang kabuhayan ng mga tao.

Ang mga LGU ay gagamitin ang pagkakataon na ito para maisagawa ang serbisyo sa mga liblib na lugar na hindi nararating ng serbisyo ng pamahalaan dahil natatakot ang mga social worker na pumunta roon.

Sayang aniya ang buhay at ari-arian na nawawala dahil sa away sa ideolohiya tulad ng mga tinatambangan na pulis.

Mas maganda aniya kung maglaban na lang sa pulitika.

Binanggit niya na ilang leftist o mga dating kasapi ng CPP-NPA ang kasapi ng gabinete ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Vice Gov. Albano, kung papayagan na ang localized peace talks ay makikipag-usap sila ni Gov. Bojie Dy sa mga rebelde sa lalawigan at tatanungin kung ano ang kailangan nila at ipakita sa kanila na tuluy-tuloy ang reporma ng pamahalaan.

Hinikayat niya ang mga rebelde na isuko ang kanilang mga armas at papalitan ito ng pamahalaang panlalawigan ng kabuhayan.
Bukod pa ito sa programa ng pambansang pamahalaan para sa mga rebel returnees.