
CAUAYAN CITY – Tinututukan ng Provincial Veterenary Office ng Isabela ang naitatalang pagkamatay ng mga alagang manok dahil sa pag-atake ng sakit na Infectious Coryza.
Sa naging panayam ng Bombo Rayo Cauayan kay Dr. Belina Barboza, Provincial Veterenary Officer ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, sinabi niya na ang Infectious Coryza ay isang nakakahawang sakit ng mga alagang manok na sanhi ng bacteria.
Aniya, mayroon itong mortality rate na 20 to 50 percent.
Unang nag-ulat ng kaso ng infectious coryza ang Lunsod ng Cauayan at Ilagan.
Ilan sa mga sintomas ng Infectious Coryza ay ang papamaga ng mukha, may discharge sa nostril, nahihirapang huminga, bumabahing, walang ganang kumain, walang pang-amoy at pagdudumi.
Ang mga manok na apektado ng coryza ay payat at bansot, maari ring maapektuhan nito ang pangingitlog ng mga paitluging manok kung saan maaari itong madelay o di kaya naman ay tumigil sa pangingitlog.
Ang naturang sakit ay dati nang natukoy sa lalawigan at madalas umaatake tuwing tag-lamig subalit palaisipan ngayon sa kanila kung bakit umatake ito sa panahon ng tag-init.
Upang maiwasan ang infectious coryza sa mga alagang manok ay dapat na magsagawa ng pagbabakuna, maayos na pag-aalaga, huwag magpapasok ng ibang tao, hayop o sasakyan sa poultry farm, panatilihing malinis ang kulungan, regular na mag-disinfect, huwag katayin ang mga manok na may sakit at higit sa lahat agad na ihiwalay ang manok na makikitaan ng sintomas upang maiwasang kumalat ang mikrobiyo.
Dahil sa pag-atake ng naturang sakit ng mga manok ay may ilang LGU na rin ang humingi na ng bakuna sa kanilang tanggapan.
Sa ngayon ay may sapat na bakuna ang Provincial Veterenary Office laban sa infectious coryza na ibinibigay ng libre.










