CAUAYAN CITY – Mahalagang matutukan ang psychological needs ng mga biktima ng mawalakang pagbaha sa region 2 dahil sa dulot nitong stress at anxiety.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helena Florendo, Psychologist at Dean ng College of Arts and Sciences ng Isabela State University (ISU) Echague Main Campus, sinabi niya na mahalagang matutukan din ang psychological needs at hindi lamang physical needs ng mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.
Isa ring factor kung bakit kailangang tutukan ang psychological state ng mga biktima ng kalamidad ay dahil kulang ang pagtugon sa kanilang psychological needs.
Naaapektuhan ang emosyunal at psychological aspect ng isang tao pangunahin na sa pagtulog dahil maaaring madalas naaalala ang mga pangyayari na nakakadagdag sa emosyon na maaaring humantong sa disorder.
Sa mga ganitong pagkakataon ay hindi lamang isang tao ang nakakaranas ng stress at anxiety kundi maging ang iba pang miyembro ng pamilya.
Bagamat may mga taong mabilis makabangon sa iba’t ibang pangyayari o pagsubok na dumarating sa kanilang buhay ay may ibang tao rin na mahirap makabangon sa kanilang mga pinagdadaanan.
Ilan lamang sa palatandaan na nakakaranas ng anxiety ay ang biglaang pagbabago sa ugali, kilos at galaw na nangangailangan ng professional care.
Lumalabas na karamihan sa mga nakakaranas ng anxiety o pagkabalisa ay ang mga kalalakihan dahil wala silang outlet o hindi sila umiiyak kapag nagkakaroon ng problema na kabaliktaran sa mga kababaihan na may outlet tulad ng pag-iyak at pagsigaw kapag galit .
Ang depression o stress ang isa ring dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga taong nagpapakamatay na karamihan ay mga lalaki.












