--Ads--

Inihayag ng grupo ng public transport sa bansa na nararapat lamang na magkaroon na ng outpost ang Philippine National Police sa bahagi ng Marikina-Rizal-Laguna-Quezon o Marilaque Highway.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition o NPTC sinabi niya na marami nang namamatay sa nasabing lansangan dahil sa mga motoristang mabilis ang patakbo lalo na sa tinatawag na devil’s corner.

Natuwa naman sila dahil nabigyan ng pansin ito sa senado matapos na ipag-utos ni Senador Raffy Tulfo, pangulo ng Senate Committee on Public Services, sa PNP Highway Patrol Group na dagdagan ang kanilang presensya sa lugar at magtatag ng isang outpost sa kahabaan ng highway upang masubaybayan ang mga motorista, at mapigilan ang mga aksidente.

Ayon kay Ginoong Lim ginagamit na kasi ng mga riders ang nasabing kalsada sa karera at riding stunts pangunahin na tuwing weekend na malaki ang panganib lalo na sa mga motoristang dadaan lamang sa lugar.

--Ads--

Dahil sa mga naitatalang aksidente sa tinawag na itong killer highway o devil’s corner.

Matatandaang nitong nakaraang araw lamang ay nasawi ang isang motovlogger matapos maaksidente at nadamay pa ang ilang turista na nasa gilid ng kalsada nang mangyari ang aksidente.

Hinikayat din ang Department of the Interior and Local Government o DILG na makipagcoordinate sa local government units sa lugar na pagtuunan ng pansin ang nasabing isyu.

Laking pasasalamat naman ng NPTC na naaaksyunan na ang nasabing problema dahil maraming buhay ang mawawala kung ito ay mapapabayaan.

Umaasa naman sila na hindi lamang ito pakitang taong aksyon kundi tuluyan nang matigil ang ginagawa sa Marilaque Highway.