--Ads--

Pinaalalahanan ng isang Constitutionalist at Political Analyst ang publiko na huwag basta matuwa sa ginagawang pagsasapubliko ng yaman ng mga nakaupong senador sa kasalukuyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, sinabi niyang ang public accessibility ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ay nakasaad sa Saligang Batas.

Ayon sa Konstitusyon, walang exemption sa pagsumite at pagsasapubliko ng SALN ng lahat ng mga nanunungkulan sa gobyerno.

Aniya, bagamat magandang senyales ito lalo na sa matinding usapin kontra korapsyon, tila huli na ang hakbang. Ang pagsasapubliko ng SALN ay dapat noon pa ginagawa bilang bahagi ng transparency, subalit tila pinapahirapan pa ang publiko sa pag-access nito.

--Ads--

Panawagan niya sa tanggapan ng Ombudsman, na siyang tagapamahala ng SALN, na gawing simple ang proseso ng pag-access. Isa sa kanyang suhestiyon ay ang paggamit ng teknolohiya o pag-digitize ng SALN data upang hindi na kailanganin pang mag-request sa Ombudsman.

Sa ngayon, aniya, napakahalaga ng access sa SALN dahil dito makikita kung sino sa mga politiko ang may kaduda-dudang yaman — isang paraan upang mamulat ang mga botante at magkaroon ng accountability ang mga opisyal sa pagpapaliwanag ng kanilang kwestiyonableng kayamanan.

Pinuna rin niya ang ilang politiko na tila hindi nagpapadala sa public pressure. Aniya, kung talagang nagpipigil pa ang ilang senador, maaari pa ring idulog o hilingan sa Senado ang pagsasapubliko ng kanilang SALN.