CAUAYAN CITY – Patuloy pa ring pinag-iingat ng Kagawaran ng Kalusugan ang Publiko hinggil sa di umano’y mga kumakalat na sakit sa ibang bansa.
Ito ay kaugnay sa kumalat na impormasyon na nagdeklara ang China ng State of Emergency dahil sa umano’y Human Metapneumovirus o HPMV na kumakalat sa naturang bansa na kalauna’y pinabulaanan ng Tsina at tinawag na “Fake News”.
Wala ring opisyal na deklarasyon ang World Health Organization hinggil dito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DOH Undersecretary Dr. Glenn Mathew Baggao, sinabi niya na bagama’t walang opisyal na kumpirmasyon tungkol sa naturang sakit ay mainam pa rin na sumunod sa mga protocols.
Ugaliin aniyang magpakonsulta agad sa doktor kung sakali mang nakaranas ng sintomas ng mga respiratorry illenesses gaya ubo at sipon upang agad na maagapan at hindi na magdulot pa ng komplikasyon.
Iwasan din aniya ang magtungo sa mga matataong lugar upang maiwasan na mahawaan ng anumang uri ng sakit.
Una nang sinabi ng World Health Organization (WHO) na wala silang nakikitang kakaiba sa bilang mga naitatalang acute respiratory infections sa bansang China.
Ayon sa WHO, kadalasan talagang tumataas ang mga respiratory infection kagaya ng ubo, sipon, at trangkaso sa mga ganitong panahon hindi lamang sa China kundi maging sa iba pang mga bansa sa Northern Hemisphere subalit hindi anya ito maituturing na emergency o nakakabahala.
Gayunman, nagpapaalala pa rin ang nasabing organization sa publiko na hanggat maaari ay magsuot ng facemask kung magtutungo sa mga matataong lugar o poorly ventilated areas, takpan ng tissue o braso ang bibig kapag umuubo at palagian ang paghuhugas ng kamay.