--Ads--

Nanawagan ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan sa publiko na huwag unahin ang pagla-live sa social media sa oras na magkaroon ng insidente ng sunog at sa halip ay agad na tumawag sa kanilang mga hotline upang mas mapabilis ang pagresponde ng mga bumbero.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP Roger Esteban, ang City Fire Marshal ng BFP Cauayan, simnabi niyang napapansin umano nila na sa ilang pagkakataon ay inuuna pa ng ilang residente ang pagla-live sa Facebook kaysa ang pagtawag sa mga emergency hotline ng BFP.

‎Aniya, mahalaga sa kanilang hanay ang bawat minuto sa oras ng sunog dahil mabilis umanong kumalat ang apoy, lalo na kung may mga materyales na madaling magliyab sa paligid. Kaya naman mahalaga na agad silang matawagan upang makapagsagawa ng mabilis na pagresponde at maiwasan ang paglala ng sitwasyon.

‎Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng BFP Cauayan ang publiko hinggil sa tamang pag-iimbak ng mga produktong petrolyo tulad ng gasolina at diesel. Ayon sa kanila, bagama’t ipinagbabawal na sa kasalukuyan ang pag-iimbak ng mga produktong petrolyo sa mga tahanan, marami na umano ang nakapag-imbak bago pa man ipatupad ang naturang pagbabawal.

--Ads--

‎Dahil dito, mahalaga umanong tiyakin na ang mga nakaimbak na produktong petrolyo ay nasa maayos at ligtas na lalagyan at nakalagay sa lugar na malayo sa anumang maaaring pagmulan ng apoy gaya ng kalan, kuryente, sigarilyo, o mga kagamitang maaaring magdulot ng spark.

‎Ipinaliwanag pa ng BFP na ang maling pag-iimbak ng mga produktong petrolyo ay maaaring magdulot ng matinding panganib dahil ang mga ito ay madaling magliyab at maaaring sumabog kapag nalantad sa init o apoy. Maaari rin umanong maglabas ng singaw ang mga ito na madaling magliyab kahit sa maliit na spark lamang.

‎Dagdag pa rito, posibleng maging sanhi rin ito ng mabilis na pagkalat ng apoy kung sakaling magkaroon ng sunog sa isang bahay o establisyemento, na maaaring magdulot ng mas malaking pinsala hindi lamang sa ari-arian kundi pati na rin sa buhay ng mga residente sa paligid.

‎Dahil dito, muling hinihikayat ng BFP Cauayan ang publiko na maging responsable at maagap sa pag-iingat upang maiwasan ang anumang insidenteng may kinalaman sa sunog.