--Ads--

Maituturing na bayani ang isang pulis matapos agawin ang manibela ng Victory Liner nang  atakihin sa sakit na highblood sa kalagitnaan ng biyahe ang tsuper nito sa Libag Sur, lunsod ng Tuguegarao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Senior Master Sgt. Roland Gacal, tatlumput walong taoong gulang at nakatalaga sa Dinapigue Police Station na nakasakay siya sa likurang bahagi ng sasakyan ngunit lumipat siya sa bakanteng upuan sa likuran ng tsuper.

Nag-uusap anya ang inspector at drayber ng bus nang mapansin nito na nanginginig ang kamay ng drayber at kapag nag-oovertake ay nakakaagaw ng linya.

Bigla anyang nanigas ang katawan hanggang sa tumingala na at bumubula ang bibig ng tsuper.

--Ads--

Dahil sa nangyari, pabangga na ang bus sa mga makakasalubong na sasakyan kayat sumigaw ang inspector sa takot pero hindi hinawi ang manibela kundi tumakbo ito sa likod na bahagi ng sasakyan.

Nakaapak pa rin ang paa ng tsuper sa silinyador kaya hindi magawa ng pulis na maihinto ang sasakyan at hindi rin nito mahanapan ang handbreak.

Dahil may kaalaman siya sa pagmamaneho ng mga maliliit na sasakyan ay inisip niyang  imaneho ang bus para maisalba ang buhay ng mga kapwa pasahero.

Iniwasan niyang maibangga ang bus sa mga makakasalubong na sasakyan at mga tao sa gilid ng kalsada kaya minabuti nalang nitong ibangga sa pader ng isang bahay upang maisalba ang mga sakay ng bus.

May tumulong din sa kanyang isang sundalong pasahero para mailabas sa pagkakaipit ang tsuper ng bus at mga pasahero na nasa mabuting kalagayan.

Anim na lamang silang nakasakay na pasahero dahil ang ibang sakay ay bumaba sa mga bayan ng Cabagan at Tumauini sa Isabela.