CAUAYAN CITY – Sasampahan ng mga kaso ang isang pulis na tubong Tabuk City, Kalinga ngunit nakatalaga sa Pampanga at dalawang tauhan matapos masamsaman ng nilagareng narra ang isang closed van sa isang checkpoint sa District 3, San Manuel, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Rolando Verzon, deputy chief of police for operation ng San Manuel Police station na naganap ito dakong alas onse ng gabi noong July 6, 2021 sa ASF checkpoint sa bayan ng San manuel.
Nang parahin at suriin ng mga pulis ang lulan ng closed van ay natuklasan ang mga lulan na nilagareng narra na mahigit 700 board feet at may halaga ng mahigit isandaang libong piso.
Dinala sa San Manuel Police Station ang van at dumating ang sinasabing may-ari ng mga kahoy na si PSsg Clifford Tega na nagpakilalang kasapi ng 1st Pampanga Provincial Mobile Force Company at residente ng Tabuk City, Kalinga.
Ang mga nilagareng narra ay mula sa Kalinga at dadalhin sana sa Pampanga.
Tinangka umanong suhulan ni Tega ang mga humuli sa closed van ngunit siya ay inaresto maging ang dalawang tauhan.
Nakuha rin sa kanila ang ilang baril at magazine ngunit lumabas na ang mga ito ay issued firearms ni PSSg Tega.






