CAUAYAN CITY – Tanggal sa serbiyo ang sinumang pulis na mapapatunang mang-aabuso sa pagbabalik ng oplan tokhang ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Supt. Rodel Sermonia, Director ng Police Community Relations Group na aminado ang kapulisan na mayroong mga pulis na umabuso sa kanilang kapangyarihan sa kampanya kontra illegal na droga sanhi para madamay ang kanilang buong hanay.
Dahil dito natuto na ang mga pulis matapos tanggalin sa kanilang kapangyarihan ang operasyon kontra illegal na droga at sa kanilang pagbabalik sa kampanya ay mas magiging maingat na sila.
Kanya ring tiniyak na wala nang madadamay na inosente at mga menor de edad sa kanilang pagbabalik operasyon kontra illegal na droga.
Subalit kung mayroong manlaban sa mga pulis ay tiyak na dedepensahan nila ang kanilang sarili.
Umapela rin si Chief Supt Sermonia sa isinagawang “Pulis Natin Caravan” na makipagtulungan sa mga pulis upang walang maganap na karahasan.
Ang “Oplan Tokhang” anya ang may pinakamagandang programa ng pulisya.




