CAUAYAN CITY – Sasampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang kasapi ng Cordon Police Station at isang sibilyan na inaresto sa isinagawang drug Buybust Operation ng Santiago City Police Office o SCPO at PDEA Region 2.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ang inaresto ay sina PMaster Sgt. Roel Gacutan, tatlumput limang taong gulang, kasapi ng Cordon Police Station, residente ng Brgy 2, Jones, Isabela at si Jaime Roy, tatlumpu’t tatlong taong gulang, aluminum installer at residente ng San Agustin, Isabela.
sa ulat ng SCPO Station 2, nakipag-transaksyon umano ang mga pinaghihinalaan sa isang Pulis na umaktong buyer ng isang pakete ng hinihinalang shabu katumbas ng limang libong piso na umanoy narecover sa pag-iingat ni Roy.
Nagsagawa ng paghahalughog sa loob ng sasakyan ng pulis at nakita ang isang Caliber 9MM na baril na may bala at dalawa pang magazine na may mga bala.
Nakuha rin sa pulis ilang Drug Paraphernalia, container na hinihinalang naglalaman pa ng shabu residue at 58 thousand pesos cash .
Nakumpiska rin ang isang itim na SUV na ginamit umanong get away vehicle ng mga suspect.
Itinanggi naman ng pulis ang paratang laban sa kanila at kanyang sinabi na ihahatid lamang niya ang kakilalang si Roy nang bigla silang harangin ng ilang armadong kalalakihan.
Sinabi rin niya ang nakuhang cash sa kanyang pag-iingat ay kanyang LOAN na gagamiting pagpapaayos ng kanyang sasakyan na sinuportahan naman ng kanyang misis.
Kabilang sa Regional Target List ng PNP at PDEA si Gacutan habang kabilang naman sa Street Level Individual si Roy.
Nasa pangangalaga na ng SCPO Station 2 ang mga nadakip na pinaghihinalaan at inihahanda na ang kaso laban sa kanila.
SAMANTALA, Ikinalungkot ng Cordon Police Station ang pagkakadawit sa iligal na Droga ni PMSgt. Roel Gacutan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin ang OIC Chief of Police ng Cordon Police Station sinabi niya na malimit umanong makapagreport sa kanila si Gacutan at madalas na wala sa kaniyang pagpapatawag sa mga kapwa Field Training Officers nito.
Dahil dito may mga nakuha silang impormasyon na dawit siya sa iligal na gawain.
Ikinalulungkot ng pamunuan ang pagkakadawit ng isa sa kanilang kasamahan sa nasabing iligal na gawain dahil sa kabila ng mahigpit na supervision at hirap ng pinagdaanan para makapasok sa serbisyo, mayroon pa ring mga naiiba ng landas na nakakasira sa kanilang hanay.











