--Ads--

CAUAYAN CITY- Naging viral sa social media ang naging pasasalamat sa isang pulis na gumawa ng paraan upang matunton ang may-ari ng isang brown wallet na nahulog mismo sa tapat ng Santiago City Police Office (SCPO).

Ang wallet na naglalaman ng P/14,000.00 SSS ID, drivers license at ATM Card ay pag-aari ng isang residente ng Barangay Uno, Jones, isabela na nagpunta sa Lunsod ng Santiago.

Ang tsuper ng tricycle na si Jomar Bayang ng Lunsod ng Santiago ang nakapulot sa pitaka at ibinigay sa naka-duty na si PO3 Eliezer Gaoiran para matunton ang may-ari na nakilala sa pamamagitan ng kanyang SSS ID at driver’s license na laman ng wallet.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PO3 Gaoiran, dating investigator ng station 1 ng SCPO na matapos niyang makita ang address ng ID na nasa wallet ay tinawagan niya ang kanyang kaibigan sa Jones, Isabela na nagkataon na kabarangay ng may-ari ng pitaka. Sinabi niya na gumawa siya ng paraan para maisauli ang wallet sa may-ari dahil tiyak niya na kailangan nito ang pera at mga ID na laman nito.

--Ads--

Pinuri naman ni Sr. Supt. Percival Rumbaua, City director ng SCPO ang ginawa ni PO3 Gaoiran dahil patunay ito na maraming pulis ang gumagawa ng mabuti.