--Ads--

CAUAYAN CITY- Sinisiyasat na ng mga kasapi ng Regional Internal Affairs Service ( RIAS ) ng Police Regional Office Number 2 ang pagkakabaril ng isang pulis sa kanyang ka-transaksiyon sa illegal na droga sa Ilagan City.

Dahil sa pagkakabaril sa ulo ay namatay ang hinihinalang drug pusher na si Jayson Yumol, nasa tamang edad at residente ng Santiago City.

Hindi naman pinangalanan ang pulis na nakatalaga sa Police Regional Office Number 2 na nakabaril patay kay Yumol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt. Rafael Pagalilauan , hepe ng Ilagan City Police Station na para matiyak na talagang nanlaban si Yumol sa isinagawang drug buy bust operation ay isinailalim sa pagsisiyasat ang nasabing pulis at isinailalim din sa pagsusuri ang bangkay ni Yumol.

--Ads--

Kasalukuyan pa ring nagseserbisyo ang nasabing pulis na nakabaril patay kay Yumol.

Magugunitang nagkaroon ng buy bust operation ang mga kasapi ng Police Regional Office Number 2 at Ilagan City Police Station.

Sa kalagitnaan ng transaksiyon ay naramdaman umano ni Yumol na pulis ang kanyang ka-transaksiyon kaya tinangka niyang barilin subalit naunahan siya ng pulis na nagsilbing poseur/buyer .

Nagtamo ng tama bala ng baril sa ulo si Yumol na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Samantala sa nakuhang impormasyon ng Station 2 ng SCPO, si Yumol ay may nakabinbing kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 ( Comprehensive Dangerous drugs act of 2002 ).