Arestado ang isang 41-ayos na pulis matapos holdapin ang isang convenience store sa Quezon City nitong Linggo ng umaga.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), si alyas “Patrolman Quimpo”, ay nakatalaga sa District Headquarters Support Unit.
agad na inaresto ang suspek sa loob ng Camp Karingal habang naka-duty bandang alas-9:35 ng umaga.
Ang pagkakadakip kay Quimpo ay kasunod ng reklamo ng isang convinience store na hinoldap umano ng suspek noong Oktubre 23 dakong ala-1 ng madaling-araw sa Banawe St., ng nabanggit na lungsod.
Sa initial na imbestigasyon lumilitaw na hinoldap ni Quimpo ang convenience store at tinutukan ng baril ang cashier.
Nilimas ng suspek ang nasa P2,000 kita ng tindahan saka agad na tumakas sakay ng kanyang motorsiklo.
Aminado naman ang suspek sa kanyang ginawa at sinabing nagsa-sideline siya bilang ride hailing app driver dahil sa problema sa pera.
Agad na dinisarmahan ang suspek na kasalukuyan ng nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.






