--Ads--

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang pulis makaraang sumalpok sa poste ang minamaneho nitong motorsiklo dakong alas-9:26 kaninang umaga, Enero 4, 2026 sa pambansang lansangan na sakop ng Barangay Caquilingan, Cordon, Isabela.

Kinilala ang nasawing pulis na si PSMS Reymundo Maramag , 43-anyos, may asawa, nakatalaga sa Police Security and Protection Group-PNP National Head Quarters at residente ng Barangay Cataggaman Nuevo, Tuguegarao City, Cagayan.

Habang sangkot rin ang isang Refrigerated Van na minamaneho ng isang alyas ‘Zandy’, 35 anyos at residente ng Barangay Rizal, Saguday, Quirino.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Cordon Municipal Police Station, binabagtas ng parehong sasakyan ang timog na direksyon ng kalsada nang mangyari ang aksidente.

--Ads--

Batay sa kuha ng isang dash cam, nasa outermost lane ng kalsada ang biktima nang aksidenteng bumangga ang kanyang motorsiklo sa poste dahilan upang tumilapon ito at mahagip ng kasunod na van.

Bilang resulta, nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang pulis na agad ding dinala sa pagamutan subalit idineklarang Dead on Arrival.

Sa kasalukuyan nasa kustodiya na ng Cordon Police Station ang driver ng van maging ang motorsiklo ng pulis habang isinasagawa ang disposisyon sa insidente.