--Ads--

CAUAYAN CITY- Sugatan ang isang pulis matapos aksidenteng mabunggo ng motorsiklo habang ito ay nasa responde sa naunang vehicular accident.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Abner Accad, Deputy COP ng Echague Police Station, sinabi niya na unang nangyari ang aksidente sa brgy. Maligaya, Echague, Isabela na kinasasangkutan ng isang dump truck at tricycle.

Nasira kasi aniya ang gulong ng tricycle matapos na mabangga ng truck kaya inimbestigahan ito nina PCpl. Kennedy Meneses at PCpl. Mariano Mateo.

Habang kumukuha ng larawan sa aksidente si PCpl. Meneses ay aksidente itong nabangga ng motorsiklo na minamaneho ni John Anthony Clarito, 24-anyos, helper, at residente ng Brgy. San Fabian, Echague, Isabela.

--Ads--

Lumalabas sa imbestigasyon na papuntang Ipil Echague Isabela si Clarito nang mangyari ang insidente.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga kay PCpl. Meneses ay nagtamo ito ng iba’t-ibang sugat sa kanyang katawan na agad dinala sa Echague District Hospital at kalaunan ay inilipat din sa Isabela South Specialist Hospital para sa CT scan at operasyon.

Maging ang tsuper ng motorsiklo at tricycle ay nagtamo rin ng minor injuries na dinala sa Echague District Hospital.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries sa tsuper na nakabangga sa pulis, habang ang tsuper ng dump truck at tricycle naman ay nagkasundo na lamang sa pagbabayad ng mga napinsalang kagamitan.