--Ads--

CAUAYAN CITY – Umani ng papuri sa social media ang isang pulis matapos mag-viral ang Video na pagsampal at pagtadyak sa kanya ng isang babae dahil sa pagpupumilit na pumasok sa isang Mall sa Santiago City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pat. John Paul Sudario ng Santiago City Police Office (SCPO) Traffic Enforcement Unit, sinabi niya na hindi niya inakala ang natatamasang papuri mula sa publiko dahil sa pagsunod niya sa kanyang tungkulin.

Aniya, dakong alas dos ng hapon nangyari ang insidente matapos humingi sa kanya ng tulong ang security guard ng mall upang awatin ang nagwawalang babae na customer sa third floor ng mall.

Agad siyang nagtungo sa lugar upang awatin ang babae na naibaba naman nang maayos hanggang sa mailabas sa gusali.

--Ads--

Gayunman, gusto ulit ng babae na pumasok sa loob ng mall at ang pulis na ang napagbalingan ng kanyang galit na humantong sa pagsampal at pagtadyak kay Pat Sudario.

Sa kabila nito ay ipinairal ng pulis at hindi pinatulan ang babae sa pananakit sa kanya.

Humingi naman ng paumanhin sa kanya ang kapatid ng babae at sinabing tila nasa depression state ang kanyang kapatid mula nang umuwi mula sa Metro Manila.

Ayon kay Pat. Sudario, sa halip na hulihin ay inunawa na lamang niya ang kalagayan ng babae at naireport naman ang pangyayari sa Presinto 4 ng SCPO.

Paalala niya sa mga kapwa pulis na kahit anuman ang estado ng buhay ng isang tao ay dapat na pairalin ang maximum tolerance at gampanan ang responsibilidad sa komunidad.