--Ads--

Nasawi sa pamamaril ng kapwa niya pulis ang isang Police Non-Commissioned Officer (PNCO) ng Rizal Police Station sa Cagayan habang dalawang iba pa ang nasugatan kabilang ang isang Police Commissioned Officer (PCO) sa naganap na pamamaril sa Barangay Gaddangao, Rizal, Cagayan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Rizal Police Station napag-alaman na nagsasagawa ng mobile patrol ang suspek na si “Aldrin” sa kaniyang Area of Responsibility o AOR partikular sa bahagi ng Brgy. Mauanan hanggang Brgy. Gaddangao.


Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente partikular sa FVP checkpoint ay inilabas ni “Aldrin” ang kaniyang service firearm at itinutok kay “German”. Sinubukan ng dalawang nakaduty na pulis na sina “Danilo” at “Manuel” na pakalmahin ang suspect subalit bigla silang pinaputukan.

Dahil sa insidente nagtamo ng sugat ang mga biktima na agad dinala sa Bulagao District Hospital para malapatan ng lunas subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician si “Danilo” habang ang isa pang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita ay inilipat sa ACE Medical Center para sa karagdagang gamutan.

--Ads--

Agad namang nadakip ang suspek na pulis at kasalukuyang nasa kustodiya ng Rizal Police Station para sa kaukulang disposisyon.