--Ads--

Nasawi ang isang Pulis matapos saksakin ng isang lalaki na nag-amok sa Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Ang biktima ay kinilalang si PCpl. Jay-ar Galabay, PNP member ng Cauayan City Police Station at residente ng Reina Mercedes, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Avelino Canceran, Hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na ang biktima ay kabilang sa covered security ng Miss Tourism Philippines 2025 Coronation Night sa F.L. Dy Coliseum sa Lungsod ng Cauayan kagabi, Oktubre 16.

Nang pauwi na ang biktima galing sa naturang event ay nadaanan nila sa National Highway sa barangay Cabaruan ang suspek na si Jomark Molina na nag-aamok kaya inawat at pinagsabihan umano ito ni PCpl. Galabay.

--Ads--

Subalit sa halip na tumalima ay sinaksak ng suspek ang Pulis gamit ang isang kutsilyo.

Agad namang gumanti ang biktima at binaril ang suspek sa iba’t ibang parte ng katawan nito gamit ang kaniyang service firearm.

Ayon kay PLt. Col. Canceran, dali-dali silang rumesponde sa insidente at itinakbo ang mga sangkot sa pagamutan.

Bandang 2:23 ng madaling araw kanina, Oktubre 17 ay binawian ng buhay ang biktima habang nilalapatan ng lunas.

Makalipas lamang ang ilang sandali ay nasawi rin ang suspek dakong 2:51 ng madaling araw.