--Ads--

CAUAYAN CITY- Sugatan ang isang 28-anyos na patrolman matapos makipagbunu sa lalaking nagtangkang manloob sa kanilang tahanan sa Purok 2, Barangay Rizal,Santiago City.

Kinilala ang suspek bilang si alyas “Jay-jay”, 37-anyos, isang vendor at residente ng Purok 1, Barangay Mabini.

Ayon sa ulat, kagagaling lang ng biktima sa duty bilang patroller sa Barangay Ambalatungan nang mapansin ang kahina-hinalang kilos ng suspek sa kanilang balkonahe.

Nang sitahin, tinutukan umano siya ng suspek ng cal. 38 revolver pero agad niya itong naagaw. Nagawa naman ng suspek na makuha ang service firearm ng pulis at nakalabit ito, ngunit hindi tumama.

--Ads--

Dumating ang tiyuhin ng biktima at tumulong sa pagdakip sa suspek. Narekober ang mga baril ng parehong panig, kabilang ang Taurus 9mm pistol ng pulis, na isinailalim na sa forensic examination.

Dinala sa ospital ang parehong biktima at suspek dahil sa mga natamong sugat.

Nahaharap si “Jay-jay” sa mga kasong Qualified Trespass to Dwelling, Direct Assault, at paglabag sa RA 10591.