CAUAYAN CITY– Nilooban ng hindi pa nakikilang mga suspek ang bahay ng isang pulis sa Brgy. Plaridel kung saan tinangay maging ang kanyang baril.
Ang pulis na ninakawan ang bahay ay si SPO3 Rolando Tangan na nakatalaga sa Santiago City Police Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni P/Sr. Insp. Reynaldo Maggay, station commander ng Presinto 2 ng SCPO pinasok ng mga magnanakaw ang bahay ng pulis habang sila ay natutulog.
Unang natuklasan ng asawa ni SPO3 Tangan na nilooban ang kanilang bahay matapos gumising at nakitang bukas ang harapang pintuan ng kanilang bahay.
Dito nalaman na nawawala na ang ilang kagamitan na kinabibilangan ng 3 cellphone, 2 relo, 2 tablet, mga ID’s, ilang alahas, mahigit P/900.00 at isang sling bag na naglalaman ng 9mm pistol na may 13 bala.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pangangalap ng ebidensiya ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.




