Nasawi ang isang pulis matapos barilin sa Purok 3, Barangay Bugallon Proper, Ramon, Isabela noong hapon ng Sabado, Nobyembre 15, 2025.
Kinilala ang biktima na si PMSgt. Mario Lopez Jr., na residente ng San Marcos, San Mateo, Isabela at nakatalaga sa San Agustin Police Station.
Ayon sa ulat ng pulisya nakarinig ang mga residente ng sunod-sunod na putok ng baril ngunit inakala nilang ito ay simpleng “test fire” lamang ilang minuto ang lumipas, dumating ang mga sasakyang pulis sa lugar.
Sa pinangyarihan ng krimen, natagpuan ng mga rumespondeng awtoridad ang bangkay ni Lopez kasama ang mahigit sampung basyo ng bala.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Ramon Police Station, hindi naka-duty ang biktima nang araw na iyon at nagtungo sa bayan bandang alas-4 ng hapon para sa umano’y transaksyon sa pagbili ng mais.
Ang taong katransaksyon ng biktima ay isa sa mga tinitignang person of interest .
Sa kasalukuyan, patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa krimen at nagsasagawa ng hakbang upang matukoy ang iba pang sangkot.











