--Ads--

Sugatan ang isang pulis matapos itong mabangga ng isang motorsiklo habang nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint sa bahagi ng National Highway sa Brgy. Tagaran, Cauayan City.

‎Batay sa ulat, kinilala ang biktima na si PCpl. Romar Comandante, 32 anyos, residente ng Brgy. Cinabbaran, Angadanan, Isabela. Samantala, ang suspek ay kinilalang si alyas ‘Bok’, 19 anyos, estudyante at residente ng Purok 1, Brgy. Villapaz, Naguilian, Isabela.

‎Sa isinagawang paunang imbestigasyon, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Cauayan Component City Police Station sa nasabing lugar bandang 1:55 ng madaling-araw. Pinara umano ng biktima ang isang single motorcycle na minamaneho ng suspek.

‎Habang bineberipika ang mga dokumento ng driver, bigla umanong umarangkada ang motorsiklo na tangkang makatakas. Dahil sa biglaang pagbilis, nawalan umano ng kontrol ang suspek sa manibela ng kanyang motorsiklo. Sinubukan pang pigilan ng pulis ang sasakyan sa pamamagitan ng paghawak sa manibela nito, subalit umikot nang hindi makontrol ang motorsiklo at tuluyang nabangga ang pulis.

--Ads--

‎Dahil sa insidente, nagtamo ng pisikal na pinsala ang biktima at agad itong isinugod sa Cauayan District Hospital para sa agarang medikal na pagsusuri at paggamot.

‎Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang kaukulang kaso laban dito kaugnay ng insidente, kabilang ang paglabag sa awtoridad at pagdudulot ng pinsala sa isang alagad ng batas.

‎Patuloy naman ang paalala ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa mga checkpoint at sundin ang mga ipinatutupad na batas upang maiwasan ang kaparehong insidente.