
CAUAYAN CITY – Sumuko ang isang pulis na suspek sa panghoholdap kagabi sa mag-asawang negosyante na natangayan ng malaking halaga ng salapi sa kanilang business establishment sa Dangan, Reina Mercedes, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa biktima na si Michael Etrata, may-ari ng MCE Enterprises at gasoline station, sinabi niya na nagsara na sila kagabi sa kanilang puwesto at uuwi na sana sa kanilang bahay nang dumating ang dalawang armadong lalaki na nakasuot ng bonete at nagdeklara ng hold up.
Dahil sa takot ay hindi na sila pumalag nang kunin ng mga suspek ang bag ng kanyang misis na naglalaman ng 250,000 pesos at dalawang cellphone maging ang kanyang bag na naglalaman ng isang cellphone.
Matapos nito ay umalis na umano ang mga suspek gamit ang isang sasakyan.
Samantala, ang suspek na si PLt Oliver Tolentino ay sumuko sa Cauayan City Police Station para pabulaanan ang mga paratang sa kanya.
Una rito ay nakilala si Tolentino nang patigilin sa checkpoint sa Tagaran, Cauayan City ang minamanehong silver na Toyota Innova ngunit hindi huminto at binangga ang mga barikada.
Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis at natagpuan ang sasakyan sa harap ng isang bahay sa barangay Tagaran.
Nagsagawa proseso ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) at nakuha sa sasakyan ang isang Caliber 38 revolver na may tatlong bala at isang basyo.
Nakuha rin sa loob ng sasakyan ang isang pitaka na naglalaman ng police ID, PRC license at driver’s license, mga susi, gintong kuwintas, passbook at isang cellphone.










