Mayroon nang person of interest ang kapulisan kaugnay sa naganap na insidente ng cattle rustling o pagkatay ng baka sa barangay San Miguel, Ramon, Isabela kamakailan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jay-ar Olya-on, hepe ng Ramon Police Station, sinabi niya na agad silang bumuo ng isang team na magsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng insidente.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, may isang testigo na nakapagturo sa isa sa mga sangkot. Dahil dito, mas pinaigting pa ng pulisya ang pangangalap ng ebidensya upang makapagsampa ng kaso at matukoy ang iba pang posibleng kasamahan ng suspek.
Sa ngayon, hindi pa matiyak kung ang mga suspek ay may koneksyon sa iba pang insidente ng cattle rustling sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Ayon pa kay PMaj. Olya-on, paloob na barangay ang pinangyarihan ng insidente at kasalukuyang under construction ang mga kalsada, kaya’t mahirap sana isagawa ang ganitong krimen sa lugar. Gayunpaman, nagawan pa rin ng paraan ng mga suspek na maipasok ang kanilang sasakyan malapit sa pinangyarihan ng pagkatay sa baka.
Hindi na rin ito ang unang pagkakataon na may naitalang insidente ng katayan ng baka sa bayan ng Ramon.











