CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang salarin sa panggagahasa at pagpatay sa isang labindalawang taong gulang na dalagita sa Buena Vista, Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Sheena Tan-Dy ng Santiago City, sinabi niya na sa ngayon ay may lead nang sinusundan ang pulisya.
Matatandaang natagpuan ang bangkay ng dalagita sa isang bakanteng lote na walang saplot pang-ibaba.
Ayon sa kapamilya ng biktima, bibili lamang sana ng sabon sa tindahan ang dalagita ngunit hindi na ito nakabalik kaya hinanap ito ng kanyang tiyahin at natagpuan ang isang pares ng tsinelas ng biktima malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Laking gulat ng tiyahin nang matagpuan ang bangkay ng dalagita na duguan at wala nang pang-ibabang damit.
Ayon kay Mayor Tan, may mga nakuhang CCTV footages ang pulisya sa ilang establisimentong malapit sa lugar.
Una nang nagbigay ng pabuyang isandaang libong piso si City Councilor Arlene Jane Alvarez-Reyes sa sinumang makakapagturo sa pagkakakilanlan ng taong pumatay sa biktima.
Ayon kay Mayor Dy, kapag may natukoy nang suspek sa pagpatay ay saka lamang maglalabas ng anumang pabuya ang pamahalaang lungsod upang mahuli at maipakulong ang salarin.
Hihintayin muna aniya nila ang magiging resulta ng imbestigasyon ng mga pulis.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na laging mag-ingat at tiniyak ang pagbabantay ng pamahalaan upang matiyak ang katiwasayan sa lungsod ng Santiago.