--Ads--

Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang iba pang akusado sa pagpaslang sa Aparri 6 sa bahagi ng Nueva Vizcaya.

Matatandaang nahuli ang dalawa sa mga suspek sa karumal-dumal na pagpaslang sa mga ito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oscar Abrogena, Chief of Police ng Bagabag Police Station sinabi niya na natukoy ang mga salarin na mga private armed group na nag-ooperate sa Cagayan.

Bagama’t naaresto na ang dalawa sa mga suspek ay hindi pa rin ito maituturing na hustisya ng pamilya lalo na at hindi pa natutukoy ang mastermind sa pagpaslang sa kanilang mga kaanak.

--Ads--

Gayunpaman ay nagpapasalamat pa rin sila sa mga kapulisan dahil nakikita umano nito na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para maibigay ang hustisya sa Aparri 6.

Tiniyak naman ni PMaj. Abrogena na patuloy ang kanilang isinasagawang paghahanap sa mga salarin at tinutukoy na rin nila ngayon kung sino ang protektor o lider ang mga ito.

Notoryus at organized aniya ang grupo ng mga salarin dahil sa planado ang ginawang pagpaslang sa mga biktima sa pamamagitan ng pagsasagawa ng checkpoint at pagsusuot ng uniporme ng mga pulis sa paglunsad ng kanilang operasyon.

Batay sa kanilang mga naunang imbestigasyon, ang ilan sa mga baril na ginamit sa pagpaslang sa mga biktima ay nagamit na rin sa ilang insidente sa Cagayan at Nueva Ecija.

Nanawagan naman siya sa mga may alam sa pinagtataguan ng mga salarin na ipabatid lamang sa kanilang tanggapan at titiyakin nilang mapapangalagaan ang kanilang impormasyon para sa pagkalutas ng nasabing kaso.