--Ads--

CAUAYAN CITY – Ihahatid na sa kanyang huling hantungan ngayong umaga ang mga labi ni Gov. Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya.

Isinagawa kagabi ang memorial service at tribute night ng mga pinuno at kawani ng pamahalaang panlalawigan at matapos nito ay muling isinagawa ang public viewing ng alas nuebe ng gabi.

Sa naging pahayag ni dating Vice Gov. Lambert Galima, Jr. sa isinagawang tribute night kagabi sinabi niya na napakalaking kawalan ng Nueva Vizcaya ang pagpanaw ni Gov. Padilla.

Aniya, kung babanggitin ang salitang Padilla sa Nueva Vizcaya ay maaalala ang mga nagawa ng dating gobernador sa ilang dekada niyang serbisyo sa lalawigan.

--Ads--

Napakarami aniyang pangarap si Gov. Padilla para sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Isa sa pangarap ng dating gobernador ay ang pagkakaroon ng kalsadang patungo sa bayan ng Alfonso Castañeda na maidudugtong sa Aritao upang magkaroon ng progreso.

Isa ito sa hindi na naisakatuparan ng pumanaw na Gobernador.

Inaasahan ni Atty. Galima na mangyayari ito sa pamumuno ng bago at mga susunod pang administrasyon.

Tinig ni dating Vice Gov. Lambert Galima, Jr.

Isasagawa ang huling misa sa St. Anne Parish, Barangay Malasin, Dupax del Norte at mula sa simbahan ay dadalhin ito sa kanyang farm sa Sitio Anting, Malasin, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya para doon ilibing.