--Ads--

Sa gubat ng Panama, isang pambihirang puno ang kinagulat ng mga si­yentipiko kung saan hindi lang ito nakaka-survive sa kidlat, kundi mas lalo pang lumalago matapos tamaan.

Ang punong almendro o Dipteryx oleifera ay kayang mabuhay matapos tamaan ng kidlat, habang ang mga katabi nitong puno ay nasusunog at namamatay.

Ayon kay Evan Gora, isang forest ecologist, nakita niya noong 2015 ang isang almendro na tila walang pinsala matapos tamaan ng kidlat. Samantalang ang mga katabi nitong puno at baging ay nagkalat sa paligid, at sinunog ng kuryente.

Nang magsagawa ng malawakang pag-aaral si Gora at ang kanyang grupo sa Barro Colorado Nature Monument, nadiskubre nilang lahat ng almendrong tinamaan ng kidlat ay nakaligtas.

--Ads--

Samantala, halos 64 percent ng ibang punong tinamaan ay namatay sa loob ng dalawang taon.

Mas nakagugulat, tila ginagamit ng almendro ang kidlat para lipulin ang mga katabi nitong halaman. Sa bawat pagtama, umaabot sa siyam na katabing puno ang namamatay, at nababawasan ang mga baging na humahadlang sa sikat ng araw.

Lumabas din sa pag-aaral na ang almendro ay mas mataas at may mas malapad na crown kaysa ibang puno, dahilan para mas madalas itong tamaan ng kidlat. Ang ilan pa ay tinatamaan nang higit sa isang beses sa kanilang mahabang buhay.

Bagamat hindi pa tiyak kung paano nito nakaliligtas sa kidlat, may hinala ang mga eksperto na may kinalaman ito sa natural nitong conductivity.

VIA Philstar