CAUAYAN CITY- Nasawi ang Barangay Kapitan ng Cabisera 27, City of Ilagan matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang suspect.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Liga ng mga Barangay Federation President Gaylor Malunay , sinabi niya na labis nilang ikinalungkot ang pangyayari kung saan pinagbabaril si barangay captain Avelino Quitola habang lulan ng tricycle (kolong-kolong).
Aniya tumawag sa kaniya ang kapitan ng barangay Imelda para iparating ang malungkot na balita kung saan naganap ang shooting incident sa sementeryo sa Barangay Cabisera 27 na kinasangkutan ni punong barangay Quitola.
Mabilis aniya ang naging tugon ng City of Ilagan Police Station at Rescue Ilagan para sa emergency response, agad dinala sa pagamutan kung saan siya sinubukang i-revive subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Dahil sa insidente ay binigyan niya ng mandato ang mga pinuno ng karatig barangay na maaaring exit point para agad na maglatag ang emergency checkpoint para maharang ang tumakas na gunman.
Inilarawan ni LNB Federation President Malunay si Punong Barangay Quitola bilang isang mabait, masipag at responsableng punong barangay kaya palaisipan sa kanila ang motibo sa pamamaril.
Kinondena rin ni Mayor Jay Diaz ang naganap na karahasan na ikinasawi ng kaniyang punong barangay kaya inalarma niya ang lahat ng barangay para i-activate ang anti-criminality checkpoints para tugisin ang salarin.
Si Barangay Kapitan Quitola ay bumalik sa politika matapos ang kaniyang tatlong termino bilang Punong Barangay ng Cabisera 27 kung saan muli siyang naluklok sa pwesto noong 2023.