
CAUAYAN CITY – Nagtungo sa Bombo Radyo Cauayan ang isang kandidato sa pagka-mayor sa Benito Soliven, Isabela upang ireklamo ang umano’y vote buying sa kampo ng kanilang punong bayan na si Mayor Roberto Lungan.
Ayon kay Sangguniang Bayan Member at Mayoralty Candidate Jun Casas, nagkaroon ng vote buying sa mismong bahay ni Mayor Lungan.
Aniya, dinudumog ng mga mamamayan ang bahay ni Mayor Lungan dahil dito umano ibinibigay ang ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagkakahalaga ng P500.
Ayon sa kanya, hindi ito dapat ibinibigay sa mismong bahay o compound ng kahit sino mang kandidato dahil mula ito sa ahensya at hindi galing sa bulsa ng kandidato.
Dumulog siya sa Commission on Elections (COMELEC) at sinabihan naman siyang iprofile check nila ito at iikutan ng PNP upang matiyak kung ito ay totoong vote buying o ayuda ang ibinibigay sa mga botante.
Pinaalalahan ni SB Casas ang mga residente ng Benito Soliven na kung totoong ayuda mula sa DSWD ang ipinapamudmod ay kunin nila ito dahil para naman ito sa kanila ngunit huwag aniyang magpadikta sa kanilang iboboto.
Nanawagan din siya kay Mayor Lungan na kung totoong ayuda ito ay huwag samantalahin at itigil na ang pagdidikta sa taumbayan.
Samantala, sa pagkuha ng Bombo Radyo Cauayan sa panig ni Mayor Lungan tungkol sa nasabing isyu, bagamat hindi nagpa-interview ay mariin niyang pinabulaanan sa pamamagitan ng text message ang paratang na vote buying sa kanyang kampo.
Aniya, malalaman sa halalan kung sino ang paniniwalaan ng mga mamamayan sa Benito Soliven.
Samantala, bukas naman ang himpilan ng Bombo Radyo Cauayan para sa panig ng DSWD na nadawit sa paratang na ito sa Benito Soliven Isabela.










