Isang pusa sa New Zealand na pinangalanang Leo ang tinaguriang “Leonardo da Pinchy” dahil sa kakaiba nitong gawi ng pagnanakaw ng mga damit mula sa sampayan ng kanilang mga kapitbahay. Ayon sa kanyang may-ari na si Helen North, sa loob ng siyam na buwan ay nakapag-uwi na si Leo ng humigit-kumulang 150 piraso ng iba’t ibang gamit.
Paborito umano ni Leo ang mga underwear at medyas, pero hindi rin ito namimili—nakapagdala na rin siya ng gardening gloves, sports bra, sumbrero, at kahit mamahaling jersey na may price tag pa. Pinakaaktibo raw si Leo tuwing Linggo, kapag maraming nakasampay na damit sa paligid.
Kapag nakauwi na, iiwan lang daw ni Leo ang mga gamit sa sahig at aalis na parang walang nangyari. Para maibalik sa mga may-ari ang mga gamit, gumagamit si North ng WhatsApp at Facebook group ng kanilang komunidad kung saan niya ipinopost ang mga larawan ng mga nadalang gamit.
Ang pinakamalaking “nakulimbat” ni Leo ay isang limang talampakang stuffed toy na ahas, na dalawang beses pa raw niyang inuwi—patunay umano na paborito niya ito.











