Isang putol na katawan ng isang lalaki ang natagpuang palutang lutang sa ilog na sakop ng Barangay Lacab, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Prospero Agonoy, hepe ng Jones Police Station na isang concerned citizen ang nag ulat kaugnay sa nakitang putol na katawan ng tao pasado alas onse ng umaga kahapon sa Barangay Lacab.
Aniya walang anumang pagkakakilanlan ang bangkay dahil sa wala ang ulo at kamay nito at maliban dito ay wala rin itong saplot nang matagpuan maliban na lamang sa kaniyang underwear.
Sa pagtaya ng PNP dalawa hanggang tatlong araw nang palutang lutang sa ilog ng Barangay Lacab ang bangkay bago ito nakita.
Ayon kay Pmaj. Agonoy imposibleng naanod lamang din ang bangkay sa lugar dahil umiikot lamang sa Barangay Lacab ang tubig sa ilog kaya malakas ang posibilidad na itinapon lamang sa Jones, Isabela ang bangkay dahil sa walang anumang bakas ng krimen sa lugar.
Posible ring higit pa sa dalawang tao ang may gawa sa krimen batay na rin sa lead na kanilang sinusundan, kasalukuyan na rin ang pagreview nila sa mga CCTV footage na posibleng makapagturo sa mga suspek.
Inalerto na rin nila ang iba pang mga himpilan ng Pulisya sa mga kalapit na bayan para sa mabilisang pagkakadakip ng mga suspek na utak sa karumal dumal na pagpaslang sa biktima.
Samantala, nakipag ugnayan na sa Jones Police Station ang Pamilya ni Sary Cristobal ang lalaking napaulat na nawawala sa Bayan ng Angadanan, Isabela upang berepikahin ang natagpuang bangkay, subalit dahil sa wala itong ulo at mga kamay ay nahihirapan silang kumpirmhin kung siya nga ba ito kaya sumailalim sila sa DNA testing.
Sa ngayon, isinailalim na sa pagsusuri ang bangkay ng lalaki upang matukoy ang pagkakakilanlan nito.