Tiniyak ng Isabela Provincial Veterinary Office na sapat ang suplay ng anti-rabies vaccine para sa mga alagang hayop sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Helen Sevilla ng PVET sinabi niya na mula nitong Mayo ay nakapagbakuna na sila ng 26,430 na aso at pusa sa buong lalawigan ng Isabela.
Tiniyak naman niya na maraming suplay ng anti-rabies vaccine sa lalawigan dahil may pondong inilaan para rito na nagkakahalaga ng P5.7 milyon.
Upang makabuo ng herd immunity sa mga aso at pusa ay puntirya nilang mabakunahan ang 75% ng populasyon.
Prayoridad naman nilang binakunahan ang mga hayop na nasa munisipalidad na nakapagtala ng kaso ng rabies saka sinusuyod ang lahat ng mga natitirang bayan.
Base sa kanilang talaan, buwan ng Marso ang pinakahuling rabies case na naitala nila sa Gamu, San Mateo, San Mariano at San Pablo Isabela at agad naman silang nagsagawa ng mass vaccination.
Karamihan naman sa mga nakagat ng aso sa nasabing mga bayan ay nasa ligtas nang kalagayan dahil nakumpleto nila ang bakuna at gamutan.
Kung ikukumpara naman ang kasong naitala ngayon kumpara noong nakaraang taon ay mas bumaba dahil sa maigting nilang information dissemination at mass vaccination sa mga bayan.
Muli naman siyang nagpaalala sa publiko na huwag ipagsawalang bahala kung makakagat ng alagang hayop at agad na magtungo sa pagamutan para maagapan ang rabies.











