CAUAYAN CITY– Nanatiling sapat ang 130 hotel quarantine facilities ng Overseas worker Welfare Administration (OWWA) para sa humigit kumulang 7,000 Overseas Filipino workers (OFW) na umuwi sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OWWA Administrator Atty. Hans Leo Cacdac, sinabi niya nanatiling maayos ang kalagayan ng mga hotel quarantine facility para sa mga umuuwing OFWs.
Paliwanag niya na bagamat umabot sila sa critical level noong buwan ng Enero at Pebrero, ito ay dahil nagkasabay ang pagpasok sa bansa ng mga OFW at mga bagong COVID-19 variants
Sinabi ni Atty. Cacdac na nananatili ang mga ipinapatupad na protocols para sa mga umuuwing OFW.
Isinasagawa ang swab testing, anim na araw ng pananatili sa hotel facility at kung negatibo ay agad silang ihahatid sa kanilang mga LGU destination.
Wala ring naitatalang problema ngayon ang OWWA sa pagtanggap ng mga LGU sa mga umuuwing OFW.
Samantala, pinangangambahan na ngayon ang posibleng pagkaubos ng P6.2 Billion na pondo ng OWWA pagpasok ng buwan ng Mayo.
Ayon kay Atty. Cacdac, nakipag-ugnayan na sila sa Department of Budget and Management (DBM) at sa pamahalaan para sa P9.8 Billion karagdagang pondo para sa mga umuuwing OFW.
Sa kasalukuyan mahigit kalahating milyong OFW na apektado ng COVID 19 ang napauwi na sa bansa at inaasahang nasa kalahating milyon pang mga OFW ang uuwi sa bansa na karamihan ay mula sa mga bansa sa Middle East.










