--Ads--

Pinaigting ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Santiago City ang mga aktibidad sa paglilinis sa iba’t ibang bahagi ng lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang ng buwan ng Marso at pagpapatupad ng kanilang mandato sa pangangalaga ng kapaligiran.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mario Deguzman II, City Environment and Natural Resources Officer ng City Environment and Natural Resources Office – Santiago City, sinabi nitong tuloy-tuloy ang kanilang mga programa tulad ng street sweeping at koleksyon ng basura sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

‎Ayon kay Ginoong Deguzman, nagsagawa rin sila kamakailan ng linis-ilog activity kung saan nakibahagi ang ilang barangay at paaralan upang makatulong sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga daluyan ng tubig.

‎Dagdag pa niya na bahagi rin ng kanilang programa ang linis-paaralan na isinagawa noong Sabado kasama ang iba’t ibang paaralan sa lungsod sa pangunguna ng Youth for Environment in Schools Organization o YES-O.

‎Ipinaliwanag ng opisyal na nagsasagawa rin ang kanilang tanggapan ng quarterly cleaning activities sa mga ilog at estero bilang bahagi ng mandato ng kanilang opisina sa sektor ng kapaligiran.

‎Samantala, patuloy ding isinasagawa ng mga barangay ang kanilang lingguhang paglilinis tuwing Sabado alinsunod sa umiiral na lokal na ordinansa kung saan nililinis ang mga paligid, kanal, at ilog sa kani-kanilang nasasakupan.

‎Nakikipagtulungan sa mga naturang aktibidad ang Barangay Ecological Solid Waste Management Committee, kasama ang mga punong barangay at iba pang barangay structures upang mapanatili ang kalinisan sa komunidad.